Saturday, June 2, 2007

bukangliwayway ng takipsilim

takipsilim...
unti-unting nahahawan ang kurtinang bumabalot sa mga alitaptap ng lunsod.
buhay na naman ang mga buwitreng maninila ng laman.
nagkalat ang mga pira-pirasong karne sa lansangan.
iba ibang uri, iba ibang antas
nagsabog ang iba't ibang klase ng nagmumurang kasalanan...

naghuhumiyaw ang pagnanasa sa apat na sulok ng lunsod...
ang anino ng gabi'y tila walang kapagurang nagkukumahog sa panandaliang ligayang dulot ng bumabalot na dilim...

ang bahaw na tinig ng hangin ay nilamon ng mga impit na singhap at halinghing ng ayaw paawat na mga kaluluwang ligaw.
sa sulok ng karimlan ay mamamasdan ang mga paring tahimik na nakaluhod, taimtim na nananalangin at nangungumpisal
o kaya nama'y nakapatirapa sa mga imahen ng panandaliang kaligayahan.

ang maladagitab na liwanag ay lalong nagbigay buhay sa kulay ng gabi...
ang tunog ng mga basag na kopita'y sumasaliw sa langitngit ng mapagpalang papag
nang ayaw paawat na mga katawang nagliliyab sa pagnanasa
nang malaritmong pag indayog sa rurok ng kamunduhan...

bukangliwayway...
ang mga buwitre'y animo bayakang nagsipaglaho sa pag angat ng telon ng gabi...
tapos na ang pelikulang nag iwan ng mga inamag ng lamang nagkalat sa kalye.
muling iinog ang umagang sa ilang sandali'y magbibigay laya sa mga alipin ng nakalipas na magdamag...
upang muling mangarap...
umamot...
umasam...

No comments: