Saturday, June 2, 2007

ANDAP


Kay sarap magmahal…. Naaalala ko pa ang aking unang pag ibig. Unang tibok, unang halik… nakakalunod ang pakiramdam. Akala ko ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Makulay ang lahat, inspirado sa lahat ng bagay. Di ko maipaliwanag ang naramdamang kaligayahan. Akala mo wala ng katapusan... sana'y wala ng katapusan...

Pero, kung mayroong unang tamis tiyak mayroon ding unang pait. Masakit, tumitimo sa puso. Akala ko mamamatay na ako... wala ng rason pa para ipagpatuloy ang buhay. Waring tumigil ang lahat, pati pag inog ng mundo. Iglap nawala ang mga kulay, natira'y anino ng kahapong pinipilit na balikan. Walang makapapantay sa unang pag ibig... ang unang tibok... unang halik... unang sakit.

Sa pagdaan ng panaho'y natutunan ko uling magmahal. Isa, dalawa, tatlo, apat... di ko na mabilang. Iyak... tuwa... lungkot... saya... di ko na matandaan kung saan ako muling nasaktan. Naging manhid na nga ba ang puso? Siguro... malamang... di ako tiyak. Sa malao't madali'y alam kong muli na naman akong magmamahal...

Bakit kaya ganun? Pag iniwan ka ng isang tao... akala mo katapusan na ng mundo. Wala ng saysay at napapabayaan ang lahat. Pag iisipan mo talaga kung saan ka nagkulang... kung saan ka nagkamali... Halos akuin mo ang lahat ng kasalanan, pagbabakasakaling ikaw ay kanya pang babalikan. Pangit mang sabihin pero naroon talaga ang pag asam... na maibalik uli... maulit muli...

Sa una'y talagang ganun... lulunurin mo ang sarili mo sa luha at iyak. Magkukulong sa bahay, gagawing miserable ang sarili. Natural kasi sa atin na isiping kaaawaan ka nya pag nakita kang naging miserable dahil sa kanya. Hanggang mapagod ka sa paghihintay... maubos ang balde baldeng luha at mahanap mo sa sarili mo na nagmumukha ka na palang tanga. Na isip ka ng isip kung ano na ang nangyayari sa kanya, samantalang sya naiisip ka ba? Baka nga yung mga panahong naghihinagpis ka, nagtatampisaw na sya sa kandungan ng iba. Pangit isipin pero minsan totoo...

Siguro ang buhay ay sadyang ganoon talaga. Totoo nga na ito'y tulad ng isang gulong. Minsan nasa itaas, minsan naman sa baba. Ganoon din ang puso, ang pagmamahal. Lahat ng bagay sa mundo paikot lang ang takbo. Walang permanente. May simula at may wakas. Ang tunay na pagmamahal ay di humihingi ng anumang kapalit ngunit mas masarap kung ang minamahal mo... mahal ka rin. Magkakaiba kasi tayo ng karakter, ugali, at pag iisip. Bonus na lang kung nagkakasundo kayo sa halos lahat ng bagay.

Ang sarap umibig. Masakit masaktan. Pero dun tayo natututo, sa mga karanasan, sa mga pagkakamali... Umibig ka at masaktan ngayon, malay mo bukas? Lahat naman tayo may kahugpong, may kasukat, di lang natin alam kung sino, kailan at saan natin matatagpuan. Masaktan ka man basta ang importante natuto kang magmahal, marunong kang magmahal... Di importante kung sino ang mas nagmamahal. Kung magmamahal ka rin lang itodo mo na dahil kung mawala man di mo pagsisihan na hanggang doon lang ang ibinigay mong pagmamahal. Ang lahat parang liwanag ng apoy na andap lang daraan sa buhay ng bawat isa...

Sa aking pag iisa... sa mga panahong tulad nito... di ko mapigilang balikan ang mga nagdaang pag ibig... ang nagdaang mga lungkot... nangingiti ako pag aking naaalala... walang panghihinayang... dahil alam ko ibinigay ko ang lahat nung ako ay nagmahal... Malungkot man ako ngayon... may pagkakataon pa rin namang sumaya... marami pang pagkakataon upang magmamahal. Kung sino??? malay mo... ikaw na...

No comments: