takipsilim...
unti-unting nahahawan ang kurtinang bumabalot sa mga alitaptap ng lunsod.
buhay na naman ang mga buwitreng maninila ng laman.
nagkalat ang mga pira-pirasong karne sa lansangan.
iba ibang uri, iba ibang antas
nagsabog ang iba't ibang klase ng nagmumurang kasalanan...
naghuhumiyaw ang pagnanasa sa apat na sulok ng lunsod...
ang anino ng gabi'y tila walang kapagurang nagkukumahog sa panandaliang ligayang dulot ng bumabalot na dilim...
ang bahaw na tinig ng hangin ay nilamon ng mga impit na singhap at halinghing ng ayaw paawat na mga kaluluwang ligaw.
sa sulok ng karimlan ay mamamasdan ang mga paring tahimik na nakaluhod, taimtim na nananalangin at nangungumpisal
o kaya nama'y nakapatirapa sa mga imahen ng panandaliang kaligayahan.
ang maladagitab na liwanag ay lalong nagbigay buhay sa kulay ng gabi...
ang tunog ng mga basag na kopita'y sumasaliw sa langitngit ng mapagpalang papag
nang ayaw paawat na mga katawang nagliliyab sa pagnanasa
nang malaritmong pag indayog sa rurok ng kamunduhan...
bukangliwayway...
ang mga buwitre'y animo bayakang nagsipaglaho sa pag angat ng telon ng gabi...
tapos na ang pelikulang nag iwan ng mga inamag ng lamang nagkalat sa kalye.
muling iinog ang umagang sa ilang sandali'y magbibigay laya sa mga alipin ng nakalipas na magdamag...
upang muling mangarap...
umamot...
umasam...
Saturday, June 2, 2007
DYIP
sumakay tayo ng dyip...
tabi tayo sabi mo...
maulan noon, malamig...
baku-bako ang daan...
humilig ka sa aking balikat...
malamig, sabi ko...
madilim noon, mabagal...
ang takbo ng dyip...
ayaw kong aminin...
pero unti unti'y...
napalapit ka sa akin...
ng gabing yaon...
Siguro'y dahil sa ...
lambing mo... nadala ako...
nakalimot na baka...
magalit ka...
Pero nanuot sa...
kamalayan ko...sa isip ko...
sabi ko...sana...
totoong ikaw na...
Sana totoong...
nangyayari ito...
at di matapos...
sa gabing yaon lang...
anupa't ang gusto ko'y
magkasama tayo...
ng matagal...upang...
masiguro't malaman ko kung...
MAHAL NGA BA KITA?
yan ang tanong...
o kaya'y naakit mo lang ako...
ewan ko ba...
pero t'yak, kapag ako'y nag iisa...
maulan at malamig...
naaalala kita... ang lambing mo...ang gabi...
na tayo'y magkatabi...saka'y ng dyip...
ANDAP
Kay sarap magmahal…. Naaalala ko pa ang aking unang pag ibig. Unang tibok, unang halik… nakakalunod ang pakiramdam. Akala ko ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Makulay ang lahat, inspirado sa lahat ng bagay. Di ko maipaliwanag ang naramdamang kaligayahan. Akala mo wala ng katapusan... sana'y wala ng katapusan...
Pero, kung mayroong unang tamis tiyak mayroon ding unang pait. Masakit, tumitimo sa puso. Akala ko mamamatay na ako... wala ng rason pa para ipagpatuloy ang buhay. Waring tumigil ang lahat, pati pag inog ng mundo. Iglap nawala ang mga kulay, natira'y anino ng kahapong pinipilit na balikan. Walang makapapantay sa unang pag ibig... ang unang tibok... unang halik... unang sakit.
Sa pagdaan ng panaho'y natutunan ko uling magmahal. Isa, dalawa, tatlo, apat... di ko na mabilang. Iyak... tuwa... lungkot... saya... di ko na matandaan kung saan ako muling nasaktan. Naging manhid na nga ba ang puso? Siguro... malamang... di ako tiyak. Sa malao't madali'y alam kong muli na naman akong magmamahal...
Bakit kaya ganun? Pag iniwan ka ng isang tao... akala mo katapusan na ng mundo. Wala ng saysay at napapabayaan ang lahat. Pag iisipan mo talaga kung saan ka nagkulang... kung saan ka nagkamali... Halos akuin mo ang lahat ng kasalanan, pagbabakasakaling ikaw ay kanya pang babalikan. Pangit mang sabihin pero naroon talaga ang pag asam... na maibalik uli... maulit muli...
Sa una'y talagang ganun... lulunurin mo ang sarili mo sa luha at iyak. Magkukulong sa bahay, gagawing miserable ang sarili. Natural kasi sa atin na isiping kaaawaan ka nya pag nakita kang naging miserable dahil sa kanya. Hanggang mapagod ka sa paghihintay... maubos ang balde baldeng luha at mahanap mo sa sarili mo na nagmumukha ka na palang tanga. Na isip ka ng isip kung ano na ang nangyayari sa kanya, samantalang sya naiisip ka ba? Baka nga yung mga panahong naghihinagpis ka, nagtatampisaw na sya sa kandungan ng iba. Pangit isipin pero minsan totoo...
Siguro ang buhay ay sadyang ganoon talaga. Totoo nga na ito'y tulad ng isang gulong. Minsan nasa itaas, minsan naman sa baba. Ganoon din ang puso, ang pagmamahal. Lahat ng bagay sa mundo paikot lang ang takbo. Walang permanente. May simula at may wakas. Ang tunay na pagmamahal ay di humihingi ng anumang kapalit ngunit mas masarap kung ang minamahal mo... mahal ka rin. Magkakaiba kasi tayo ng karakter, ugali, at pag iisip. Bonus na lang kung nagkakasundo kayo sa halos lahat ng bagay.
Ang sarap umibig. Masakit masaktan. Pero dun tayo natututo, sa mga karanasan, sa mga pagkakamali... Umibig ka at masaktan ngayon, malay mo bukas? Lahat naman tayo may kahugpong, may kasukat, di lang natin alam kung sino, kailan at saan natin matatagpuan. Masaktan ka man basta ang importante natuto kang magmahal, marunong kang magmahal... Di importante kung sino ang mas nagmamahal. Kung magmamahal ka rin lang itodo mo na dahil kung mawala man di mo pagsisihan na hanggang doon lang ang ibinigay mong pagmamahal. Ang lahat parang liwanag ng apoy na andap lang daraan sa buhay ng bawat isa...
Sa aking pag iisa... sa mga panahong tulad nito... di ko mapigilang balikan ang mga nagdaang pag ibig... ang nagdaang mga lungkot... nangingiti ako pag aking naaalala... walang panghihinayang... dahil alam ko ibinigay ko ang lahat nung ako ay nagmahal... Malungkot man ako ngayon... may pagkakataon pa rin namang sumaya... marami pang pagkakataon upang magmamahal. Kung sino??? malay mo... ikaw na...
BALATKAYO
***isang pagsasalin sa Filipino mula sa isang Ingles na katha ng isang di kilalang may akda
***ang aking pasasalamat at paghingi ng pahintulot kung sino ka man...
Huwag kang pabulag sa iyong nakikita
Sa mga mukhang iyong nakikita
Pagka't iya'y maskara, isanlibong balatkayo
Balatkayong kayganda nguni't isa man diya'y 'di ako
Ang pagkukunwari ay natural sa akin
Ngunit huwag kang padaya, huwag kang pabulag
Nakilala mo ang isang ako
Na ang lahat ay kayganda, tiwala'y nasa akin
walang puwang ang panimdim
Magaling, may kapayapaan, wasto, at di nangangailangan ng iba
Pero huwag kang maniwala
Ang panlabas ko'y maaaring kayganda
Pero yan ay paimbabaw
Sa kaibutura'y walang kapayapaan, walang katahimikan
Naroon ang tunay na ako, ang litong ako
Takot at nag iisang ako
Ngunit iyan ay aking itinatago
Ayaw kong malaman ng iba
Natataranta sa aking kahinaan at takot na ito'y matuklasan
Kung kaya't ako'y nagbabalatkayo
Ng isang nakakaaliw at matatag na balatkayo
Para sa aking pagkukunwari, mapagtakpan ang tunay na ako
Sa mga matang lilingap at magnanais maarok ang aking kaakuhan
Subalit iyon ang aking kailangan
Matang lilingap ang tangi kong kaligtasan
Kung ito'y may pagtanggap at may kalakip na pagmamahal
Ang hahango sa akin sa aking mga kabaliwan
Hahawi sa pader na pilit kong binakod sa katotohanan
Ang magbibigay buhay sa katauhan kong patay
Magbibigay turing sa aking katuringan
Datapwa't iyan ay 'di ko tahasang masabi sayo
Ayaw kong mangahas, ako'y takot
Na 'di mo matanggap, pagtawanan, iwasan
Takot na malaman mong sa aking kaibutura'y abo at putik ang laman
Na kapag iyong natuklasan ako'y iyong iwanan
Kung kaya't ako'y naglaro, ang laro ng pagkukunwari
Ng panlabas na matatag ngunit panloob na mabuway
At nagsimula ang parada ng balatkayo
Ng mga maskarang panlabas
Nakikita at nakakausap mo ang aking mga paimbabaw
Nang di nalalaman ang tunay kong kaakuhan
Kaya...
Kapag ako'y nagsimula na naman...
Sa pagbabalatkayo...at pagkukunwari...
Makinig ka...at sikapin mong pakinggan...
Ang mga 'di ko sinasabi...na gusto kong sabihin...
Na kailangan kong sabihin...ngunit 'di ko kayang sabihin...
Ayaw ko nang magbalatkayo
Magtago...
Mandaya...
At magkunwari...
Gusto kong malaman ang katotohanan...
Magising sa aking mga panaginip...
Sa aking kabaliwan...
Mamulat sa sarili kong kamalayan...
Gusto kong maging totoo...
Maging tunay...
Maging sarili ko...
Maging ako...
Akong ako...
Ngunit kailangan ko ng tulong mo...
Gunita at Salamisim
nais kong magsulat...
samutsaring kaisipan... sala-salabat na titik... kawing-kawing na pantig... nag uumapaw sa aking hitik na kamalayan...
mga himig na umiindak at nagpapatianod sa hangin... gusto kong isulat...
nais kong hukayin ang kahapon sa aking gunita... humabi ng mga salamisim ng noon... ngayon... o maaaring nang bukas...
nais kong magsulat...
Subscribe to:
Posts (Atom)